Monday, March 30, 2015

Ang Pag-ibig ni Pepe sa Panahong Kasalukuyan

Ikaapat na Yugto.

Mataas na Paaralan

Mataas na Paaralan. In English, High School. Korni noh? Siningit ko lang kasi wala akong maisip na intro.

Siguro kung ihahalintulad ko sa kanta ang buhay ko sa mataas na paaralan, tamang tama yung sikat na kanta ng Repablikan - yung High School Life.

"High school ko ay puno ng alaala na hindi malilimutan" sabi nga ng kanta.

Akala ko dati masaya na yung elementary na puno ng paglalaro sa ilalim ng nagngangalit na araw. Pero iba pala ang High School, mas intense. Pag tungtong ko pa lang sa gate ng eskwelahan, makikita mo na yung mga binata at dalagita na nakatambay sa mga bench. Merong nag yoyosi, umiinom ng RC, nag aabang ng chix, nagliligawan, at yung gusto lang talaga mag cutting. Sa isip ko, kung ganto lang din ang maging high school, di bale na lang.

Lumipas ang ilang araw, meron din naman palang matitinong tao sa mataas na paaralan. Sila yung mga nag aalmusal ng libro, nag tatanghalian ng algebra, at minemeryenda ang pangalan ng mga tao sa kasaysayan. Hindi naman sa pagmamayabang pero napabilang ako sa kanila, hindi ko din alam kung paano pero baka dahil nakachamba ako nung entrance exam.

Nasa unang taon pa lang ako ng high school pero ilang first na ang bumungad sa akin. Nanjan yung kakatapos lang ng recess tapos Algebra ang subject. Nagmumuni muni pa ang diwa ko dahil sa kabusugan ng biglang akong kinalabit ng katabi ko,

"Pepe, tawag ka.  Tawag ka ni Sir"

Akala ko naman may iuutos lang, kaya tumayo ako sabay sabing "Yes, sir?"

Nagulat na lang ako ng bigla niya akong tinanong,

"Pepe, if x+y=5, where y is equals to 3, what is the value of x?"

Shet! Anong sinasabi ni sir? Anong x? Anong y? Kailan pa naging 5 ang x+y? Anong nangyayari dito? Ang dami kong tanong sa sarili ko, kulang na lang tanungin ko ang sarili ko kung anong ginagawa ko sa kinatatayuan ko. Nanlalamig ako na pinagpapawisan.

"Pepe, what's the value of x?" tanong ni sir.

"Ah, I don't know sir", patay na! Ano bang nagawa ko para tanungin ako ng ganon.

"Anyone who can help Pepe?" tanong ni sir sa klase.

Buti na lang may mga henyo akong kaklase na apo ni Einstein. Akala ko ligtas na. Pero tulad nga ng sabi ko, maraming first time sa high school. Tulad na lang ng biglang nagpaexam si sir ng tungkol sa x+y. Pero hindi si x or y ang hinahanap namin, kundi ang score ko na kasing perfect ng hugis ng zero.

Makailang ulit pa kaming nag exam sa Algebra at makailang ulit na din akong nakaka zero. Lalo pang nadagdagan ang pagdurusa ko nung may bagong pinakilala si sir sa amin.

"Ok class, I assume that you already know X and Y. So this time, let me introduce you to A and B."

Para akong napagsakluban ng langit at lupa. Gusto kong sumigaw at magmakaawa,

"Sino po ba si X at Y?! Hindi ko pa po sila lubusang nakikilala!"

Kaya lang, ganon talaga ang buhay ng tao. Hindi titigil ang oras at ang ibang tao para sayo. Matuto kang tumayo mag-isa. Aralin mo ang dapat matagal mo ng alam.

No comments:

Post a Comment