Si Pepe sa piling ni
Luna.
Lumipas ang mga araw sa aking unang taon sa mataas na paaralan.
Sa kabila ng aking paghihirap sa mga klaseng akademiko, nakahanap ako ng oras
upang tanungin ang sarili ko - ano pa bang kaya mo? Ano pa ba ang pwede mong
gawin para tumagal sa eskwelahan na to?
Aaminin ko, hindi talaga ako mahusay pagdating sa mga bagay
na kailangan mong pag-isipan ng matagal. Nakita niyo naman yun sa sinapit ko sa
klaseng Algebra.
Dahil dun, sinubukan kong sumali sa iba't ibang club sa
school. Merong English Club, Filipino Club, TLE Club, Science Club, Math Club, wala
ba ditong Night Club Art Club?
Naglakad lakad ako paikot ng eskwelahan ng makita ko ang
dati kong kamag-aral nung elementarya.
"Hoy Tiago! Anong ginagawa mo dito?" tawag ko sa
dating kaklase.
"Uy Pepe, kamusta na? Sasali ka din ba sa Art
Club?" tanong ni Tiago sa akin.
Sa totoo lang, nung elementary akala ko walang talent to si
Tiago. Kaya laking gulat ko na sasali siya sa Art Club. Bilang marunong naman
akong gumuhit, sumali na din ako. Pumila kami at nag fill up ng form para
maging member ng samahan ng mga tropa ni Juan Luna.
Pag pasok namin ni Tiago sa silid, binigyan kami ng
tagabantay ng tag-isang papel at lapis. Inatasan kaming gumuhit na sunod sa
temang "Aralin ang kasaysayan tungo sa kaunlaran at pagkakaisa".
*guhit dito, guhit don*kulay dito,kulay don*
Natapos ko ang aking obra na pinapakita si Dr. Jose P. Rizal
na pinapaligiran ng mga magkakahawak kamay na tao na sumisimbolo ng pagkakaisa.
Nilagyan ko din ng mga gusali bilang background para sa kaunlaran. Akala ko ako
na ang pinaka magaling pero hindi.
Palihim kong sinulyapan ang gawa ni Tiago - ang kaibigan na
akala ko'y walang alam. Ang ganda ng obra niya, gumamit siya ng oil pastel na
itim na may halong kulay orange. Akala mo larawan na nasa mga salamin ng
simbahan ang gawa niya. Ganon ka detalyado, ganon kaganda. Parang sampal sa
mukha niyang sinabi na "hindi na ako ang dating Tiago na kilala mo".
Sa mga sandalilng iyon, tila naguhitan ng galit na kidlat
ang blangko kong pag-iisip.
"Ito na siguro yung sinasabi ng mga bidang mahihirap sa
mga pelikula. Yung babangon ako at dudurugin kita."
"Oo Tiago, hindi ka lang bumangon, hindi mo lang ako
dinurog, kinain mo ng buong buo ang kompiyansa ko sa sarili ko. Wag ka
mag-alala, hindi ako nagagalit sayo bagkus, nais kong magpasalamat. Nang dahil
sa sampal mo, natauhan ako na hindi sa lahat ng pagkakataon tayo ang nasa
ibabaw."
Sabi nga ng mga magulang natin, hindi dapat tayo tumitigil
sa pagsusumikap para maabot ang mga mithiin natin dahil ang buhay ay parang
gulong; minsan nasa ilalim, minsan nasa ibabaw.
Sa pagkakataong ito, tama nga ang sabi ng mga chismosa sa
kanto namin.
"Daig ng masipag, ang magaling."
No comments:
Post a Comment