Mataas na Paaralan
Mataas na Paaralan. In English, High School. Korni noh?
Siningit ko lang kasi wala akong maisip na intro.
Siguro kung ihahalintulad ko sa kanta ang buhay ko sa mataas
na paaralan, tamang tama yung sikat na kanta ng Repablikan - yung High School
Life.
"High school ko ay puno ng alaala na hindi
malilimutan" sabi nga ng kanta.
Akala ko dati masaya na yung elementary na puno ng paglalaro
sa ilalim ng nagngangalit na araw. Pero iba pala ang High School, mas intense.
Pag tungtong ko pa lang sa gate ng eskwelahan, makikita mo na yung mga binata
at dalagita na nakatambay sa mga bench. Merong nag yoyosi, umiinom ng RC, nag
aabang ng chix, nagliligawan, at yung gusto lang talaga mag cutting. Sa isip
ko, kung ganto lang din ang maging high school, di bale na lang.
Lumipas ang ilang araw, meron din naman palang matitinong
tao sa mataas na paaralan. Sila yung mga nag aalmusal ng libro, nag
tatanghalian ng algebra, at minemeryenda ang pangalan ng mga tao sa kasaysayan.
Hindi naman sa pagmamayabang pero napabilang ako sa kanila, hindi ko din alam
kung paano pero baka dahil nakachamba ako nung entrance exam.
Nasa unang taon pa lang ako ng high school pero ilang first
na ang bumungad sa akin. Nanjan yung kakatapos lang ng recess tapos Algebra ang
subject. Nagmumuni muni pa ang diwa ko dahil sa kabusugan ng biglang akong
kinalabit ng katabi ko,
"Pepe, tawag ka.
Tawag ka ni Sir"
Akala ko naman may iuutos lang, kaya tumayo ako sabay sabing
"Yes, sir?"
Nagulat na lang ako ng bigla niya akong tinanong,
"Pepe, if x+y=5, where y is equals to 3, what is the
value of x?"
Shet! Anong sinasabi ni sir? Anong x? Anong y? Kailan pa
naging 5 ang x+y? Anong nangyayari dito? Ang dami kong tanong sa sarili ko,
kulang na lang tanungin ko ang sarili ko kung anong ginagawa ko sa kinatatayuan
ko. Nanlalamig ako na pinagpapawisan.
"Pepe, what's the value of x?" tanong ni sir.
"Ah, I don't know sir", patay na! Ano bang nagawa
ko para tanungin ako ng ganon.
"Anyone who can help Pepe?" tanong ni sir sa
klase.
Buti na lang may mga henyo akong kaklase na apo ni Einstein.
Akala ko ligtas na. Pero tulad nga ng sabi ko, maraming first time sa high
school. Tulad na lang ng biglang nagpaexam si sir ng tungkol sa x+y. Pero hindi
si x or y ang hinahanap namin, kundi ang score ko na kasing perfect ng hugis ng
zero.
Makailang ulit pa kaming nag exam sa Algebra at makailang
ulit na din akong nakaka zero. Lalo pang nadagdagan ang pagdurusa ko nung may
bagong pinakilala si sir sa amin.
"Ok class, I assume that you already know X and Y. So
this time, let me introduce you to A and B."
Para akong napagsakluban ng langit at lupa. Gusto kong
sumigaw at magmakaawa,
"Sino po ba si X at Y?! Hindi ko pa po sila lubusang
nakikilala!"
No comments:
Post a Comment