D.I.D.
Ako nga ba’y may karamdaman?
Bagong umaga. Bagong simula.
Nasabi ko na ba to kahapon?
Pag bigyan niyo na, diyan kasi iikot ang kwento ko ngayon. Siguro mayroong mga
nanghinayang sa inyo nung nalaman niyo na hindi ako nakapasok bilang Mr.
Highschool. Mayroon din sigurong nagsabi na “buti nga sayo, tama lang sayo
yan!”
Hindi man ako nakapasok bilang
Mr. Highschool, sinasabi ko sa inyo, mas panalo pa ako sa mananalo sa
patimpalak na yan. Hindi man ako nakakuha ng slot para sa event proper,
nakapagbukas naman ako ng pinto ng maraming posibilidad para sa sarili ko. Ano
yung pintuan na yun? Yun ang pintuan ng lakas ng loob at tiwala sa sarili.
Nagsimulang magbago ang lahat
nung may nakilala akong batang babae habang ako’y pauwi galing sa audition.
Tinanong niya ako kung anong oras na. Dahil suot ko naman yung relo na
pinahiram ni Ginoong Damaso, sinagot ko siya ng “alas otso na ng gabi adeng,
umuwi ka na sa inyo at baka hinahanapa ka na ng nanay mo.” Sa muli kong pagharap
sa kanya, nagulat na lang ako na tumatakbo na ang batang babae. Minsan, kahit
hindi natin kakilala ang isang tao, nagkakaroon tayo ng “sense of
responsibility” sa kanila. Kaya naman dali dali kong sinundaan ang bata
hanggang sa makita ko ang aking sarili na nasa isang makipot na eskinita. Sa
sandaling iyon, ako naman ang kinabahan para sa sarili ko. Dahan dahan kong
binagtas ang masikip na daan. Pagdating ko sa hangganan, nakita ko ang isang
matandang lalaki na umiinom ng tsa’a.
“Naliligaw ka ba iho? Kung oo,
halika’t umupo dito sa aking tabi. Samahan mo ako uminom. Mabuti ‘to sa iyong
katawan” alok ng matanda.
“Opo, naliligaw ata ako. Maari
niyo bang ituro sa akin ang daan?”
“Inumin mo muna ang laman ng
tasa na ito bago ko sayo ituro” pilit niya.
Binilisan ko ang pag-inom ng
tsa’a. Hindi ko na inalintana ang init nito sa kagustuhan na makauwi agad ng
bahay.
“’Tang, naubos ko na po ung
tsa’a. Maaari niyo na bang ituro sa akin ang daan?”
“’Tang? Nasan na ho kayo?”
Biglang nawala ang kasama kong
matanda na kanina lang ay kakwentuhan ko pa. Nagsimula na akong kilabutan sa
mga nangyayari. Masyado ng maraming nangyari ngayong araw! Gusto ko ng
magpahinga! Kung walang magtuturo sa akin, ako na mismo ang maghahanap!
Sa sobrang pagod at dami ng
iniisip, hindi ko na namalayan ang aking galit hanggang sa may nakasalubong
akong lalaki na hindi ko naman kakilala.
“Ikaw! Tignan mo ang
dinadaanan mo! Huwag kang haharang harang kung ayaw mong kainin kita ng buhay!”
Bulalas ko sa kanya.
Napaupo ang kaharap kong
lalaki. Kitang kita ang takot at lito sa kanyang mga mata.
“Anong sinasabi mo bata?
Nasasapian ka ba ng masamang espiritu?”
Bata? Nasasapian? Anong
nangyayari? Tila hindi ko alam ang aking mga sinasabi. Dahil sa aking
pagkalito, sinimulan ko ang magtatakbo. Tumakbo ako ng tumakbo sa ilalim ng
liwanag ng buwan.
*inhale*exhale*inhale*exhale*
Nung ako’y nahimasmasan,
nagulat na lamang ako na nakatayo na pala ako sa harap ng aming bahay. Patay,
anong oras na? Inabot na ako ng alas onse ng gabi sa daan.
Pagkabukas na pagkabukas ko ng
pinto, sinalubong ako ng malaking kamao ng aking ama.
*Blag!*Kablam!*Kaboom*
“Anong oras na! Bakit ngayon
ka lang umuwi! Hindi mo ba alam na delikado sa daan! Panahon ng Martial Law
anak, huhulihin ka nila! Papatayin ka nila! Kaya magingat ka naman!” sigaw ng
nagngangalit kong tatay sa akin.
“Anong pinagsasabi niyo ‘tay?
Hindi ko kayo maintindihan.”
“Anak, ilang beses ko bang
sasabihin sayo na tigilan mo na ang pagsama sa mga rally? Delikado yan anak.
Hindi mo dapat kinakalaban ang gobyerno.”
“Pero ‘tay..”
“Tama na, wag na nating
pagusapan. Simula bukas, hindi ka lalabas ng bahay. Dito ka lang nang matigil
ka sa kahibangan mo.”
Hindi ko alam kung bakit, pero
ang sama ng loob ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa pagod ako at kung ano ano
ang naririnig ko? O dahil pakiramdam ko’y pinipigilan ako ng tatay ko sa
pinaglalaban ko? Sa lagay na ‘to, hindi din ako makakatulog. Mabuti pang umalis
na lang ako.
Sinimulan ko ang pag-iimpake
ng aking mga gamit. Nilagay ko sa isang malaking bag ang aking mga sapatos,
damit, jacket, teks, at poster ng Voltes V.
“Lalayas na ko sa pamamahay na
‘to! Hindi ako papayag na hanggang sa tahanan na ito ay pamumunuan kami ng
diktaturya!”
“Tama na! Sobra na!”
“Boy, gising na. Hindi ito ang
bahay niyo. Magtatrabaho na kasi kami kaya baka pwede kang umalis jan?”
Sino ang nagsasalita? Kaninong
boses yun?
Dahan dahan akong bumangon at
pilit na binubuksan ang mga namumugto kong mga mata.
“Naglayas ka ba sa inyo?”
tanong sa akin ng manong na kaharap ko.
“Hindi po ako naglayas.” sagot
ko sa kanya.
“Kung hindi ka naglayas, eh
anong ginagawa mo dito sa talyer ko? Alam mo bata, hindi ako nagpapatira ng
libre dito. Kung may gusto kang takasan, sige dumito ka muna. Pero
pagtrabahuhan mo ang pagtira mo dito. Hangin na lang ang libre sa mundong ito.”
Sa ‘di malamang kadahilanan eh
nanatili ako sa kanilang talyer. Mabuti ang pakikitungo nila sa akin. Walang
panahon na hindi kami nagkasiyahan sa mumunting talyer na iyon. Madalas kaming
magkantahan at magsayawan na akala mo e nasa pelikula kami ni John Travolta.
Isang araw, may dumating na
isang estranghero. Nakasuot siya ng balabal at hood. Nung una’y kinabahan kami
dahil baka kung anong gawin sa amin. Laking gulat naming nung binaba niya ang
kanyang hood at ngumiti sa amin. Babae pala siya na ubod ng ganda!
“Natakot ko ba kayo? Pasensya
na, ang lakas kasi ng ulan sa labas” paliwanag ng babae.
“Ah wala yun, ayos lang. Eto
tiwalya, magpatuyo ka muna jan. Gusto mo ba ng maiinom?” alok ng aming boss.
“Maraming salamat. Siya nga
pala, may mga gagawin ba kayo mamayang gabi? Gusto ko sana kayong imbitahan sa
may teatro. Kung hindi niyo naitatanong, artista kasi ako dun. Sagot ko na ang
entrance fee ninyo bilang kabayaran sa pagtulong niyo sa akin.” wika ng
misteryosang babae.
Walang halong pagdadalawang isip
at pagdududa, tinanggap namin ang kanyang alok.
Sinong magaakala na sa
teatrong iyon magbabago ang aming tadhana?
Pumunta kami sa teatro upang
panuorin ang isang musical. Bida dun yung naging bisita ni boss. Ang ganda pala
ng boses ng babaeng yun. Nakaka-inlove. Habang nasa kalagitnaan ang programa,
biglang namatay ang ilaw. Nag-panic lahat ng manunuod. Kanya kanyang tayo at
hanap ng malalabasan. Ang iba nama’y naglabas ng kanilang lighter upang
magsilbing ilaw. Okay na sana ang lahat ng biglang may boses na sumigaw galing
sa kung saan.
“Hindi niyo ba naintindihan
ang mga sinabi ko!”
“Marahil ay masyado kayong
naguguluhan sa kung anong nangyayari dito. Alam kong magulo, pero sana ay
nakilala niyo ang mga katauhan sa kwento kong ito. Sino ako? Ako si Pepe,
artista ng teatrong ito!”