Saturday, April 4, 2015

Ang Pag-ibi ni Pepe sa Panahong Kasalukuyan

Sa ilalim ng spot light

Matapos kong hindi makapasa sa Art Club, hindi ako tumigil sa paghanap ng ibang bagay na maaari at kaya kong gawin. Nanjan ung pagsubok ko sumali sa Computer Club kahit MS Word at pag gawa ng Word Art lang ang alam ko. Hindi din ako nagpapigil sa pagsali sa Science Club kahit anyong lupa at anyong tubig sa HEKASI lang ang baon ko. Syempre High School, hindi na tayo bata, kaya tama lang na tuklasin natin ang natatago nating potensyal.

Isang araw, habang nagtuturo ang guro naming si Ginoong Damaso, may pumasok na matangkad na lalaki, akala ko nga nung una artista e, bigla kasing nagtilian yung mga kaklase ko.

“Hello Guys, ako nga pala si Kiko, magkakaroon nga pala kami ng audition para sa Mr. High School. Baka meron sa inyong gustong sumubok, magkita kita lang tayo sa school grounds mamayang alas kwatro.”

“Tara punta tayo mamaya!” “Sige punta tayo mamaya!” “Taraaaaa!” – sabay sabay na hiyawan ng mga kaklase kong babae.

Akala mo sila ang mga sasali e. hahaha

Humupa lang ang kaguluhan sa aming mumunting palengke silid aralan nung umalis yung Kiko.
“Narinig niyo naman siguro ang paanyaya ni Kiko kanina. Ngayon, gusto kong mayroon tayong maipapadala bilang representative ng ating klase. Meron ba sa inyong mag vovolunteer?” wika ni Ginoong Damaso.

Kasunod ng pananahimik ng mga bibig ang palakas nang palakas na kabog ng aming dibdib sa takot na mai-volunteer ni Ginoong Damaso.

PS: Ano nga ba ang volunteer? Kung tatanungin mo ang diksyunaryo, ito yung mga tao na kusang iaalay ang sarili nila para gawin ang isang bagay na nais nila. Bida kids kumbaga. Pero ibang usapan na pag naghanap ng volunteer ang mga guro sa high school. Bakit? Dahil ang volunteer para kanila ay ang mga estudyante na kusang matuturo ng mga daliri nila.

Nakatitig si Ginoong Damaso sa lahat ng kalalakihan sa aming silid, animo’y nagmimini maynimo, at ang matuturo ang magiging volunteer ng aming klase.

*mini mini maynimo*mini mini maynimo*

Pumikit pa si sir habang namimili, para daw may thrill.

“IKAW! IKAW ANG VOLUNTEER!” sigaw ni sir.

Nagulat ang buong klase sabay hanap kung saan nakaturo si sir. Nagtaka ako kung bakit sa akin nakatingin ang buong klase habang nagngingisian. Sa pag aakala na nasa likod ko ang napili, tumingin ako ngayon sa aking likuran.

Sa aking pagharap, tumambad sa aking harapan ang puting puting pader ng aming silid aralan. Wala nga palang tao sa aking likuran dahil sa row 4 ako nakaupo. Patay na.

“Ok class, mayroon na tayong volunteer. Palakpakan natin ang matapang na si Pepe!”

“Tumayo ka naman Pepe! Ipakita mo naman ang iyong pasasalamat sa suporta ng iyong mga kamag-aral” pabirong sabi ni sir.

Tumayo naman ako bilang pag galang. Pero sa isip isip ko, ang saya niyong lahat dahil hindi kayo ang naituro.

“Salamat sa pag-vovolunteer mo Pepe, galingan mo ah” wika ni sir.

“Yes sir, I’ll do my best” napa English na lang ako sa sobrang kaba.

At ayun na nga, dumating ang oras na alas-kwatro. Nagpunta ako sa school grounds para sa audition. Dahil hindi naman ako pansinin sa klase, wala akong kasama sa audition. Kahit pakitang peklat lang na mga kamag-aral para suportahan ako kunwari e wala. Pero dahil napag tripan lang naman ako ni titser, e sige na lang.

Lumapit ako sa lamesa upang magpalista.

“Anong pangalan mo kuya?” tanong ni ate na naglilista.

“Ah, ako nga po pala si Pepe. Pers-chir po.”

“Ok Pepe, pila ka na dun kasama nung ibang kasali. Tatawagin namin kayo isa isa para rumampa” turo nung ate.

Naki linya ako sa mga kasali. Sa totoo lang, para akong naliligaw na bata sa audition na yun. Ang tatangkad ng mga kasama ko, matitipuno, at may kanya kanyang baon na fans club. Pati ata fans club ng Kathniel at ni Enrique Gil e andun na eh.

Isa isang rumampa ang mga kasali. Bawat kaway ng mga kalahok e siya namang tilian ng mga babaeng nanunuod at kanchaw ng mga meron.

Kabadong kabado ako habang hinihintay na tawagin ang pangalan ko. Nag aaway ang mga tropa ko sa tiyan na para bang ngayon nila na tripan lumabas isa isa. Nanlalamig ang mga palad ko. Gusto ko na tawagin lahat ng santong kilala ko para ipagdasal na matapos na ang mga sandaling iyon. Ngunit, nauna pang tawagin ang pangalan ko bago ako matawag ng santong tutulong sa akin.

“Next contestant, Pepe!” sigaw nung emcee.

Hindi ko alam ang gagawin ko. Bahala na.

Nag simula akong maglakad na parang wala lang. Yung lakad na parang excited lumabas ng class room kasi recess na. Mejo mabilis pero hindi halatang nagmamadali. Pag dating ko sa harap, sinabihan ako na gumawa ng pose. Shet! Wala akong maisip! Kinain ko na lang lahat ng hiya na meron ako. Nag posing ako gaya nung mga napapanuod ko sa Mr. Pogi sa tv.

*Turo dito*Papungay ng mata*Kindat*Repeat steps one, two, three*

Natapos din ang audition ko. Yun na siguro ang pinakamatinding kahihiyan na naexperience ko sa talambuhay ko bukod sa hindi ko napigilan ang rebolusyon ng tiyan ko nung kinder! Ay secret lang pala yun.

“Maraming salamat sa lahat ng nag audition. Pupuntahan na lang naming kayo sa mga classroom niyo pag nakapasa kayo para sa next screening. Good luck sa lahat ng sumali” wika ni Kiko, bilang pag tapos sa programa.

Habang pabalik sa classroom, hindi ko malaman kung bakit nababagabag ako.

“Audition lang yun, wala naman mawawala sa akin. Ayaw ko naman talaga nun.”

“Sana makapasok ako sa susunod na screening.”

“Sana hindi ako makapasa. Hassle eh. Nakakahiya.”

“Kung sakaling makapasok ako, baka naman para sa entablado talaga ako?”

Hindi ko alam, pero parang gusto ko na ayaw ko. Parang mga bagay sa buhay natin na gusto natin, pero okay lang na hindi natin makuha. Pero pag hindi natin nakuha, nanghihinayang tayo na sana e sinunggaban na natin nung may pagkakatapon pa.

No comments:

Post a Comment