Monday, April 6, 2015

Ang Pag-ibig ni Pepe sa Panahong Kasalukuyan

D.I.D. Ako nga ba’y may karamdaman?

Bagong umaga. Bagong simula.

Nasabi ko na ba to kahapon? Pag bigyan niyo na, diyan kasi iikot ang kwento ko ngayon. Siguro mayroong mga nanghinayang sa inyo nung nalaman niyo na hindi ako nakapasok bilang Mr. Highschool. Mayroon din sigurong nagsabi na “buti nga sayo, tama lang sayo yan!”

Hindi man ako nakapasok bilang Mr. Highschool, sinasabi ko sa inyo, mas panalo pa ako sa mananalo sa patimpalak na yan. Hindi man ako nakakuha ng slot para sa event proper, nakapagbukas naman ako ng pinto ng maraming posibilidad para sa sarili ko. Ano yung pintuan na yun? Yun ang pintuan ng lakas ng loob at tiwala sa sarili.

Nagsimulang magbago ang lahat nung may nakilala akong batang babae habang ako’y pauwi galing sa audition. Tinanong niya ako kung anong oras na. Dahil suot ko naman yung relo na pinahiram ni Ginoong Damaso, sinagot ko siya ng “alas otso na ng gabi adeng, umuwi ka na sa inyo at baka hinahanapa ka na ng nanay mo.” Sa muli kong pagharap sa kanya, nagulat na lang ako na tumatakbo na ang batang babae. Minsan, kahit hindi natin kakilala ang isang tao, nagkakaroon tayo ng “sense of responsibility” sa kanila. Kaya naman dali dali kong sinundaan ang bata hanggang sa makita ko ang aking sarili na nasa isang makipot na eskinita. Sa sandaling iyon, ako naman ang kinabahan para sa sarili ko. Dahan dahan kong binagtas ang masikip na daan. Pagdating ko sa hangganan, nakita ko ang isang matandang lalaki na umiinom ng tsa’a.

“Naliligaw ka ba iho? Kung oo, halika’t umupo dito sa aking tabi. Samahan mo ako uminom. Mabuti ‘to sa iyong katawan” alok ng matanda.

“Opo, naliligaw ata ako. Maari niyo bang ituro sa akin ang daan?”

“Inumin mo muna ang laman ng tasa na ito bago ko sayo ituro” pilit niya.

Binilisan ko ang pag-inom ng tsa’a. Hindi ko na inalintana ang init nito sa kagustuhan na makauwi agad ng bahay.

“’Tang, naubos ko na po ung tsa’a. Maaari niyo na bang ituro sa akin ang daan?”

“’Tang? Nasan na ho kayo?”

Biglang nawala ang kasama kong matanda na kanina lang ay kakwentuhan ko pa. Nagsimula na akong kilabutan sa mga nangyayari. Masyado ng maraming nangyari ngayong araw! Gusto ko ng magpahinga! Kung walang magtuturo sa akin, ako na mismo ang maghahanap!

Sa sobrang pagod at dami ng iniisip, hindi ko na namalayan ang aking galit hanggang sa may nakasalubong akong lalaki na hindi ko naman kakilala.

“Ikaw! Tignan mo ang dinadaanan mo! Huwag kang haharang harang kung ayaw mong kainin kita ng buhay!” Bulalas ko sa kanya.

Napaupo ang kaharap kong lalaki. Kitang kita ang takot at lito sa kanyang mga mata.

“Anong sinasabi mo bata? Nasasapian ka ba ng masamang espiritu?”

Bata? Nasasapian? Anong nangyayari? Tila hindi ko alam ang aking mga sinasabi. Dahil sa aking pagkalito, sinimulan ko ang magtatakbo. Tumakbo ako ng tumakbo sa ilalim ng liwanag ng buwan.

*inhale*exhale*inhale*exhale*

Nung ako’y nahimasmasan, nagulat na lamang ako na nakatayo na pala ako sa harap ng aming bahay. Patay, anong oras na? Inabot na ako ng alas onse ng gabi sa daan.

Pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto, sinalubong ako ng malaking kamao ng aking ama.

*Blag!*Kablam!*Kaboom*

“Anong oras na! Bakit ngayon ka lang umuwi! Hindi mo ba alam na delikado sa daan! Panahon ng Martial Law anak, huhulihin ka nila! Papatayin ka nila! Kaya magingat ka naman!” sigaw ng nagngangalit kong tatay sa akin.
“Anong pinagsasabi niyo ‘tay? Hindi ko kayo maintindihan.”

“Anak, ilang beses ko bang sasabihin sayo na tigilan mo na ang pagsama sa mga rally? Delikado yan anak. Hindi mo dapat kinakalaban ang gobyerno.”

“Pero ‘tay..”

“Tama na, wag na nating pagusapan. Simula bukas, hindi ka lalabas ng bahay. Dito ka lang nang matigil ka sa kahibangan mo.”

Hindi ko alam kung bakit, pero ang sama ng loob ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa pagod ako at kung ano ano ang naririnig ko? O dahil pakiramdam ko’y pinipigilan ako ng tatay ko sa pinaglalaban ko? Sa lagay na ‘to, hindi din ako makakatulog. Mabuti pang umalis na lang ako.

Sinimulan ko ang pag-iimpake ng aking mga gamit. Nilagay ko sa isang malaking bag ang aking mga sapatos, damit, jacket, teks, at poster ng Voltes V.

“Lalayas na ko sa pamamahay na ‘to! Hindi ako papayag na hanggang sa tahanan na ito ay pamumunuan kami ng diktaturya!”

“Tama na! Sobra na!”

“Boy, gising na. Hindi ito ang bahay niyo. Magtatrabaho na kasi kami kaya baka pwede kang umalis jan?”

Sino ang nagsasalita? Kaninong boses yun?

Dahan dahan akong bumangon at pilit na binubuksan ang mga namumugto kong mga mata.

“Naglayas ka ba sa inyo?” tanong sa akin ng manong na kaharap ko.

“Hindi po ako naglayas.” sagot ko sa kanya.

“Kung hindi ka naglayas, eh anong ginagawa mo dito sa talyer ko? Alam mo bata, hindi ako nagpapatira ng libre dito. Kung may gusto kang takasan, sige dumito ka muna. Pero pagtrabahuhan mo ang pagtira mo dito. Hangin na lang ang libre sa mundong ito.”

Sa ‘di malamang kadahilanan eh nanatili ako sa kanilang talyer. Mabuti ang pakikitungo nila sa akin. Walang panahon na hindi kami nagkasiyahan sa mumunting talyer na iyon. Madalas kaming magkantahan at magsayawan na akala mo e nasa pelikula kami ni John Travolta.

Isang araw, may dumating na isang estranghero. Nakasuot siya ng balabal at hood. Nung una’y kinabahan kami dahil baka kung anong gawin sa amin. Laking gulat naming nung binaba niya ang kanyang hood at ngumiti sa amin. Babae pala siya na ubod ng ganda!

“Natakot ko ba kayo? Pasensya na, ang lakas kasi ng ulan sa labas” paliwanag ng babae.

“Ah wala yun, ayos lang. Eto tiwalya, magpatuyo ka muna jan. Gusto mo ba ng maiinom?” alok ng aming boss.

“Maraming salamat. Siya nga pala, may mga gagawin ba kayo mamayang gabi? Gusto ko sana kayong imbitahan sa may teatro. Kung hindi niyo naitatanong, artista kasi ako dun. Sagot ko na ang entrance fee ninyo bilang kabayaran sa pagtulong niyo sa akin.” wika ng misteryosang babae.

Walang halong pagdadalawang isip at pagdududa, tinanggap namin ang kanyang alok.

Sinong magaakala na sa teatrong iyon magbabago ang aming tadhana?

Pumunta kami sa teatro upang panuorin ang isang musical. Bida dun yung naging bisita ni boss. Ang ganda pala ng boses ng babaeng yun. Nakaka-inlove. Habang nasa kalagitnaan ang programa, biglang namatay ang ilaw. Nag-panic lahat ng manunuod. Kanya kanyang tayo at hanap ng malalabasan. Ang iba nama’y naglabas ng kanilang lighter upang magsilbing ilaw. Okay na sana ang lahat ng biglang may boses na sumigaw galing sa kung saan.

“Hindi niyo ba naintindihan ang mga sinabi ko!”


“Marahil ay masyado kayong naguguluhan sa kung anong nangyayari dito. Alam kong magulo, pero sana ay nakilala niyo ang mga katauhan sa kwento kong ito. Sino ako? Ako si Pepe, artista ng teatrong ito!”

Sunday, April 5, 2015

Ang Pag-ibig ni Pepe sa Panahong Kasalukuyan

Sa tanghalan, dun nga ba ako nabibilang?

Bagong umaga. Bagong simula.

“Ngayong araw na pala lalabas ang resulta ng Mr. Highschool. Nakapasa kaya ako? Sana hindi ako makapasa. Ano bang iniisip ko? Kung makapasok, eh di okay. Kung hindi, eh di okay lang din, pero sana makapasok.haha”
Ang aga aga kung ano anong pumapasok sa isip ko. Sabi ko nga kahapon, audition lang yun. Walang mawawala sa akin. Ang mahalaga sinubukan.

Pag dating ko sa eskwelahan, mukha namang normal lahat. Nandun pa din ung mga tambay na nagpapaunahan maubusan ng baga, nagpapabilisan uminom ng RC na kung sinong maunang magkaroon ng sakit sa sikmura eh talo.

“Kung hindi ako makakapasa sa audition, araw araw ay magiging normal na araw lang. Walang pinagkaiba sa kahapon, sa ngayon, at sa kinabukasan. Magiging repeatitive ang buhay, na kahit nakapikit ako pumasok eh magagawa ko pa din ang normal na routine. Ayoko ng ganto.”

Law of attraction na ‘to.

“BRO, ipasa mo naman ako sa audition kahit next screening lang please?”

Habang nagkaklase kami sa English, biglang may kumatok sa pintuan. Yung mga taga audition, eto na, moment of truth.

“Good morning ma’am, pwede po ba namin i-excuse sandali si Pepe?” tanong nung ate na naglilista ng mga pangalan kahapon.

“Can you say it in English please?” hirit ni Mrs. Chan. *Familiar ba? Aminin niyo, lahat ng naging English teacher niyo ayaw makipagusap ng Filipino. Haha*

“Can we excuse Pepe for a minute or two?” patol naman ni ate sa trip ni Mrs. Chan.

“Actually, we’re having our classes here. Since you interrupted my class already, why don’t you just enter and tell us what’s going on? And in English please” sabi ni Mrs. Chan *Infairness, ang taray ng datingan*

Sumunod naman si ate ng walang pagaalinlangan.

“Good morning guys! I know you’re all aware that we had an audition yesterday for this year’s Mr. Highschool.” bungad ni ate.

Sa isip ko, eto na. Moment of truth.

*drum rolls*

“We’re glad to tell you that your classmate Pepe is one of the participants who will advance to the next screening! Round of applause for Pepe please!” yaya ni ate sa mga kaklase.

Dahil hindi naman nga ako pansinin sa classroom, walang pumalakpak. Yung tenga ko siguro pumalakpak sa tuwa pero hindi ang mga kaklase ko.

“So Pepe, please meet us in the auditorium at 2pm. Thanks” paalala ni ate.

Matapos ang “intermission” number na yun sa klase ni Mrs. Chan, balik normal ang klase. Para bang wala silang narinig na kahit anong may kinalaman sa audition at sa akin. Okay lang, at least hindi ako mappressure. Tulad nga ng paulit ulit kong sinasabi, audition lang yun. Walang mawawala dahil ang mahalaga sinubukan.

Pero sino nga bang magaakala na dahil sa audition lang nay un e magsisimula pala na magbago ang lahat?

Dumating ang oras na alas dos. Habang naglalakad ako papunta sa auditorium e nakasalubong ko si Ginoong Damaso.

“Oh Pepe! Kamusta? Ano nangyari sa audition? Nakapasa ka ba?” tanong ni Ginoong Damaso.

“Opo sir, chambang nakapasok. Hehe”

“Osige, galingan mo. Pero alisin mo yang mga kung ano ano sa kamay mo. Ang dumi mo tignan.”

Oo nga pala, nakalimutan kong ikwento sa inyo na uso kasi ung “Buddha beads” nun eh. Yung bilog bilog na beads na bracelet na gawa sa parang kahoy.

“Alisin mo yan at isuot mo tong relo na ‘to para magmukha ka namang pormal kahit paano. Oh siya, balitaan mo na lang ako. Good luck Pepe!”

Hindi ko alam kung anong mararamdamdaman ko nung pinahiram ako ni Ginoong Damaso ng relo. Ang saya na kahit paano e sinusuportahan pala niya ko, sa kabila nang pangttrip niya sa akin. Pero ang lungkot, dahil sana yung tatay ko na lang yung gumawa nun para sa akin.

Pag dating ko sa Auditorium, nandun na lahat ng mga kalahok. Ako na lang pala ang kulang.

“Ok guys, kumpleto na pala kayo. Start na tayo ha.” Sabi nung emcee.

Ang bilis ng pacing, walang sabi sabi at panibagong rampa na naman. Pero sa pagkakataong ito, sa entablado kami maglalakad - sa ilalim ng spot light.

Aaminin ko, mas nakakakaba ang maglakad sa entablado. Ang hirap kumilos sa takot na isang maling galaw mo lang eh kita na agad ng lahat ng manunuod. Masyadong mataas ang entablado para sa ordinaryong bata na gaya ko. Pero, napakasarap sa pakiramdam ang tumayo sa harap ng maraming tao na lahat ng atensyon nila ay nasayo. Para bang kahit anong naisin ko ay magiging ako pag nakatayo ako sa entablado.

Eto na, ako na ang rarampa. Kung kahapon, nagmukha akong payaso sa pag gaya ko sa mga Mr. Pogi sa TV, ngayon, mas komportable na ako. Lumakad ako ng natural habang ang mga kamay ko’y pa-sway sway pa. Pagdating sa harapan, umikot ako gaya nung mga ginagawa ng totoong model. At syempre yung konting papungay ng mata na kunwari e may hinahanap ka sa audience kahit nasisilaw lang naman talaga sa ilaw. Ganto siguro yung pakiramdam ng mga taong tinatawag nila na para sa entablado.

Matapos rumampa ng huling kalahok, oras na para kunin naman ni Kiko ang center stage upang i-deklara ang mga uusad sa susunod na parte ng audition.

“Whew! Masyadong dikit ang laban para sa top 10 spots ng Mr. Highschool. Ang hirap mag decide kung sino ang mga makakasali sa event proper. Lahat kayo magagaling at deserving pero sampu lang ang makukuha. Ang mga mag-aadvance para sa event proper ay sina...”

*Lub*dub*lub*dub*


Huwag na kayong umasa, hindi ako nakapasok. Tulad nga ng sinasabi ko kanina pa, okay lang na hindi ako makapasok basta ang mahalaga eh sinubukan ko. Maaaring hindi nga ako nakapasok para sa Mr. Highschool, pero sa tingin ko ay nagbukas na ang pinto kung saan tinatawag ang pangalan ko para mag tanghal.

Saturday, April 4, 2015

Ang Pag-ibi ni Pepe sa Panahong Kasalukuyan

Sa ilalim ng spot light

Matapos kong hindi makapasa sa Art Club, hindi ako tumigil sa paghanap ng ibang bagay na maaari at kaya kong gawin. Nanjan ung pagsubok ko sumali sa Computer Club kahit MS Word at pag gawa ng Word Art lang ang alam ko. Hindi din ako nagpapigil sa pagsali sa Science Club kahit anyong lupa at anyong tubig sa HEKASI lang ang baon ko. Syempre High School, hindi na tayo bata, kaya tama lang na tuklasin natin ang natatago nating potensyal.

Isang araw, habang nagtuturo ang guro naming si Ginoong Damaso, may pumasok na matangkad na lalaki, akala ko nga nung una artista e, bigla kasing nagtilian yung mga kaklase ko.

“Hello Guys, ako nga pala si Kiko, magkakaroon nga pala kami ng audition para sa Mr. High School. Baka meron sa inyong gustong sumubok, magkita kita lang tayo sa school grounds mamayang alas kwatro.”

“Tara punta tayo mamaya!” “Sige punta tayo mamaya!” “Taraaaaa!” – sabay sabay na hiyawan ng mga kaklase kong babae.

Akala mo sila ang mga sasali e. hahaha

Humupa lang ang kaguluhan sa aming mumunting palengke silid aralan nung umalis yung Kiko.
“Narinig niyo naman siguro ang paanyaya ni Kiko kanina. Ngayon, gusto kong mayroon tayong maipapadala bilang representative ng ating klase. Meron ba sa inyong mag vovolunteer?” wika ni Ginoong Damaso.

Kasunod ng pananahimik ng mga bibig ang palakas nang palakas na kabog ng aming dibdib sa takot na mai-volunteer ni Ginoong Damaso.

PS: Ano nga ba ang volunteer? Kung tatanungin mo ang diksyunaryo, ito yung mga tao na kusang iaalay ang sarili nila para gawin ang isang bagay na nais nila. Bida kids kumbaga. Pero ibang usapan na pag naghanap ng volunteer ang mga guro sa high school. Bakit? Dahil ang volunteer para kanila ay ang mga estudyante na kusang matuturo ng mga daliri nila.

Nakatitig si Ginoong Damaso sa lahat ng kalalakihan sa aming silid, animo’y nagmimini maynimo, at ang matuturo ang magiging volunteer ng aming klase.

*mini mini maynimo*mini mini maynimo*

Pumikit pa si sir habang namimili, para daw may thrill.

“IKAW! IKAW ANG VOLUNTEER!” sigaw ni sir.

Nagulat ang buong klase sabay hanap kung saan nakaturo si sir. Nagtaka ako kung bakit sa akin nakatingin ang buong klase habang nagngingisian. Sa pag aakala na nasa likod ko ang napili, tumingin ako ngayon sa aking likuran.

Sa aking pagharap, tumambad sa aking harapan ang puting puting pader ng aming silid aralan. Wala nga palang tao sa aking likuran dahil sa row 4 ako nakaupo. Patay na.

“Ok class, mayroon na tayong volunteer. Palakpakan natin ang matapang na si Pepe!”

“Tumayo ka naman Pepe! Ipakita mo naman ang iyong pasasalamat sa suporta ng iyong mga kamag-aral” pabirong sabi ni sir.

Tumayo naman ako bilang pag galang. Pero sa isip isip ko, ang saya niyong lahat dahil hindi kayo ang naituro.

“Salamat sa pag-vovolunteer mo Pepe, galingan mo ah” wika ni sir.

“Yes sir, I’ll do my best” napa English na lang ako sa sobrang kaba.

At ayun na nga, dumating ang oras na alas-kwatro. Nagpunta ako sa school grounds para sa audition. Dahil hindi naman ako pansinin sa klase, wala akong kasama sa audition. Kahit pakitang peklat lang na mga kamag-aral para suportahan ako kunwari e wala. Pero dahil napag tripan lang naman ako ni titser, e sige na lang.

Lumapit ako sa lamesa upang magpalista.

“Anong pangalan mo kuya?” tanong ni ate na naglilista.

“Ah, ako nga po pala si Pepe. Pers-chir po.”

“Ok Pepe, pila ka na dun kasama nung ibang kasali. Tatawagin namin kayo isa isa para rumampa” turo nung ate.

Naki linya ako sa mga kasali. Sa totoo lang, para akong naliligaw na bata sa audition na yun. Ang tatangkad ng mga kasama ko, matitipuno, at may kanya kanyang baon na fans club. Pati ata fans club ng Kathniel at ni Enrique Gil e andun na eh.

Isa isang rumampa ang mga kasali. Bawat kaway ng mga kalahok e siya namang tilian ng mga babaeng nanunuod at kanchaw ng mga meron.

Kabadong kabado ako habang hinihintay na tawagin ang pangalan ko. Nag aaway ang mga tropa ko sa tiyan na para bang ngayon nila na tripan lumabas isa isa. Nanlalamig ang mga palad ko. Gusto ko na tawagin lahat ng santong kilala ko para ipagdasal na matapos na ang mga sandaling iyon. Ngunit, nauna pang tawagin ang pangalan ko bago ako matawag ng santong tutulong sa akin.

“Next contestant, Pepe!” sigaw nung emcee.

Hindi ko alam ang gagawin ko. Bahala na.

Nag simula akong maglakad na parang wala lang. Yung lakad na parang excited lumabas ng class room kasi recess na. Mejo mabilis pero hindi halatang nagmamadali. Pag dating ko sa harap, sinabihan ako na gumawa ng pose. Shet! Wala akong maisip! Kinain ko na lang lahat ng hiya na meron ako. Nag posing ako gaya nung mga napapanuod ko sa Mr. Pogi sa tv.

*Turo dito*Papungay ng mata*Kindat*Repeat steps one, two, three*

Natapos din ang audition ko. Yun na siguro ang pinakamatinding kahihiyan na naexperience ko sa talambuhay ko bukod sa hindi ko napigilan ang rebolusyon ng tiyan ko nung kinder! Ay secret lang pala yun.

“Maraming salamat sa lahat ng nag audition. Pupuntahan na lang naming kayo sa mga classroom niyo pag nakapasa kayo para sa next screening. Good luck sa lahat ng sumali” wika ni Kiko, bilang pag tapos sa programa.

Habang pabalik sa classroom, hindi ko malaman kung bakit nababagabag ako.

“Audition lang yun, wala naman mawawala sa akin. Ayaw ko naman talaga nun.”

“Sana makapasok ako sa susunod na screening.”

“Sana hindi ako makapasa. Hassle eh. Nakakahiya.”

“Kung sakaling makapasok ako, baka naman para sa entablado talaga ako?”

Hindi ko alam, pero parang gusto ko na ayaw ko. Parang mga bagay sa buhay natin na gusto natin, pero okay lang na hindi natin makuha. Pero pag hindi natin nakuha, nanghihinayang tayo na sana e sinunggaban na natin nung may pagkakatapon pa.