Wednesday, December 10, 2014

Sa Tuwing Umuulan..

“Naku, madilim na naman. Mukhang malakas na ulan na naman ‘to.”

Hindi nga ko nagkamali. Paglabas ko mula sa gusali, nagngangalit na ulan at humahampas na hangin ang bumungad sa akin.

“Sige, ayos lang to. May payong naman ako.”

Sa aking paglalakad, hindi ko maiwasan ang mapansin ang iba’t ibang itsura at istilo ng mga tao sa tuwing umuulan. Sabi nga sa tsismis, resourceful daw ang mga Pinoy. Tuwing umuulan, kung ating titignan, makikita nga naman natin talaga kung gano kagaling ang bawat isa.

The Classic
Recommended attire tuwing umuulan. May dalang payong, nakasuot ng kapote, naka bota. Madalas mong makikita yan sa mga gwardiya na naka-istasyon sa labas ng mga gusali. Tumutulong sa mga taong lumalabas para sumakay sa kani-kanilang sasakyan. Sabi nga sa Boy Scout at Girl Scout, “laging handa!”

The Casual
Madalas makita tuwing umuulan ung mga taong nakapayong at naka-jacket. Kahit mukha silang handa, mababasa at mababasa pa din sila. Parang buhay ng tao, kahit gaano mo paghandaan ang isang bagay, sasablay at sasablay ka pa rin. Hindi mo ito ginusto, pero may mga butas sa kalye na nagpapanggap na lupa. Lulusot at lulusot ang paa mo, mababasa ka.

The Resourceful
Minsan sa sobrang resourceful ng mga tao, nakakaaliw na sila tignan. Merong mga mukhang albularyo, basta may panyo o bimpo, no problemo! Ipapatong o itatali lang sa ulo, ready to go na. Meron ding iba na akala mo sasabak sa gera, magsusuot ng helmet na plastik, damit na plastik, at magdadala ng shield na gawa sa karton. Dual purpose. Hindi ka na nabasa, nakapag-recycle ka pa. Eco-friendly diba?

The Wet Look
Sabi nga nila, “You cannot have it all.” Siyang tunay dahil kahit gaano kalakas ang ulan, may mga makakasalubong ka na sa kabila ng kanilang kurbata at amerikana, mini-skirt at blusa, ni isang payong o jacket e wala sila. Tandaan, kahit Calvin Kleine pa yan, hindi water proof yan.

The “Tiis Ganda”
Parang The Wet Look lang ang datingan ng mga ‘to. Mas nakakainis nga lang. Mga naka sleeveless na babae o naka muscle fit sando na lalaki sa gitna ng humahagupit na bagyo. Mga babaeng nakukuha pa mag high heels o lalaking naka puting puti na Chucks kahit nagbabaha na. At ung pinaka nakakatuwa sa lahat, mga taong naka shades pa sa kabila ng madilim na kalangitan.

Payong at buhay ng tao..

Bukod sa mga tao, kapansin pansin din ang mga payong na nagreretiro sa gitna ng laban. Mga payong na biglang bumabaliktad kapag naka engkwentro ng malakas na bugso ng hangin.

Kung ating iisipin, ang relasyon ng malakas na ulan at payong ay parang buhay ng tao. Parang problema na dadating sa hindi inaasahang pagkakataon. Hindi mo mapaghahandaan. Unos na susubok sa ating katatagan. May mga panahon na manghihina ka at gugustuhin mong bumigay na lang.
Wag ka mag-alala, dahil kung sakaling bumigay at bumaliktad ang payong ng iyong buhay, meron kang mga bubong na pwede mong silungan. Kailangan mo lang tumigil at titigan ang iyon paligid. Makikita mo na nanjan ang iyong mga mahal sa buhay, naghihintay na harapin at lapitan sila.

Nakakainis minsan isipin na sa gitna ng paglalakad mo sa ulanan ay makakapagisip ka ng mga ganitong bagay. Pero mas nakakainis ung sumugod ka sa ulan pero pagtawid sa kabilang kanto e umaaraw. Parang buhay ng tao, dumaan ka man sa problema ngayon, laging may bagong pag-asa ang sasalubong sayo.